World

SEN. VILLANUEVA MARIING KINUNDENA ANG PAG ATAKE SA SAUDI INTERNATIONAL AIRPORT, MATAPOS NA MAY MADAMAY NA PINOY SA PAG ATAKE NG HOUTHI

Nagpahayag ng pagkondena at pagkabahala si Senador Joel Villanueva sa mga iniulat na pag-atake ng Houthi sa King Khalid International Airport sa Riyadh, Saudi Arabia, kung saan apat na Pilipino ang naiulat na nasugatan. Hinimok din niya ang pamahalaan na tiyakin ang sapat na emergency funds para sa agarang pagtulong sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na maapektuhan ng mga krisis sa ibang bansa.

October 13, 2026 · 9:09 AM · Updated 1 week ago

Mariing kinokondena ni Senador Joel Villanueva ang sunod-sunod na pag-atake ng Houthi sa King Khalid International Airport sa Riyadh, Saudi Arabia, na kumitil sa buhay ng mga inosente at ikinasugat ng ilang iba pa.

Labis ang pagkabahala ng senador para sa kaligtasan at kapakanan ng mga kapwa Pilipino, kung saan apat ang naiulat na nasugatan sa mga pag-atake, at tatlo sa kanila ay nangangailangan ng intensive care.

Nagpahatid din ng pakikiramay si Senador Villanueva sa mga biktima at pamilya, at umaasa sa mabilis na paggaling ng mga nasugatang Pilipino.

Iginiit ng mambabatas na hindi dapat humarap sa panganib nang nag-iisa ang ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa ibayong dagat.

Nagpapasalamat naman si Villanueva sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa kanilang agarang pagtugon at patuloy na pag-monitor.

Sa panahon ng krisis, dapat malaman ng ating mga OFW na handang protektahan at tulungan sila ng kanilang gobyerno.

Gayunpaman, binibigyang-diin ni Senador Villanueva na ang mga insidenteng tulad nito ang pangangailangan para sa mas malakas at mas tumutugon na sistema ng tulong para sa mga Pilipinong naipit sa emergency sa ibang bansa.

Sa ilalim ng panukalang budget sa 2027 NEP, ang DMW at OWWA ay makakatanggap ng pinagsamang halagang P11 bilyon.

Kaya naman kailangang aniyang tiyakin na may sapat na emergency fund sa pamamagitan ng AKSYON at Emergency Response Funds dahil sa geopolitical realities na kinakaharap ng mga Pilipino sa ibang bansa, upang maibigay ang serbisyo nang walang pagkaantala kapag sila ay nasa panganib.( MARICAR FAYPON)